Gunman sa Percy Lapid slay, 16 taong kulong
MANILA, Philippines — Hinatulan ng hanggang 16 na taong pagkabilanggo ang self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, ayon sa abogado ng pamilya nitong Lunes.
Sinabi ni Atty. Danny Pelagio sa mga mamamahayag, pinatawan na ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 ng 8-taon at 8 buwan, hanggang 16 na taon na pagkakakulong si Escorial.
“Hindi na-downgrade from murder to homicide pero nag-plea bargain as accomplice,” ani Pelagio.
Noong Agosto 2023, hiniling ni Escorial sa korte na payagan siyang pumasok sa plea bargaining sa mas mababang pagkakasala ng homicide sa halip na murder.
Sinabi ni Pelagio na wala pang nailalabas na “written order” ang hatol subalit naniniwala siya na ‘di na mababago pa ito.
“Nag-set na ng conditions ang prosecution na tinanggap na ni Escorial. Nag-pose na rin ng clarificatory and confirmatory questions si judge. Nasa official transcript na mga ‘yan ng court,”paliwanag ni Pelagio.
Sinabi naman ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy na hindi sila titigil hangga’t hindi pa nakukulong ang mga mastermind o utak sa krimen.
“We entrust it to God in honor of the slain journalist, but our pursuit of justice won’t cease until all the masterminds are behind bars,” ani Mabasa.
Nakatakda naman ang sususnod na pagdinig sa Hunyo 24.
Ang pagpaslang kay Percy ay naganap noong Oktubre 3, 2022 sa lungsod ng Las Piñas.
Noong Abril 2023 nang isyuhan ng warrants of arrest ng korte laban sa mga sinasabing utak sa krimen na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na wanted ngayon sa batas, at dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta, na iniulat nang nasawi sa isang ospital sa Dinalupihan, Bataan noong Marso 15, 2024.
- Latest