Co-convict sa Vhong Navarro case, nailipat na sa NBP
MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections si Ferdinand Guerrero, ang huli sa apat na hinatulan ng korte kaugnay sa reklamong Serious Illegal Detention For Ransom ng actor/TV host na si Vhong Navarro.
Si Guerrero ay itinurn-over sa BuCor ng National Bureau of Investigation (NBI), isang araw matapos sumuko at isyuhan ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 ng commitment order.
Magugunitang si Guerrero, kasama ang negosyanteng si Cedric Lee, mixed martial arts practitioner Simeon Raz at modelong si Deniece Cornejo ay hinatulan ng nasabing korte noong Mayo 2 ng reclusion perpetua o 40 taong pagkabilanggo.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., tulad nina Lee at Raz, si Guerrero ay tinanggap sa Reception and Diagnostic Center ng NBP para sa initial interview at check-up. Ilalagay siya sa Quarantine Cell sa loob ng 5 araw na walang mga pribilehiyong madalaw, na susundan ng diagnostic procedure na kinabibilangan ng prosesong medikal, sociological, psychological, educational at classification sa loob ng 55 araw bago siya ilipat sa correction facility.
Kasama ni Guerrero ang kanyang mga abogado sa pamumuno ni Atty. Alex Avisado, na nagsabi sa NBI na maghahain ng mosyon para sa hospital arrest dahil may nakatakdang medical procedure ang kanilang kliyente.
- Latest