19 baril ni Quiboloy, babawiin na
Pirma na lang ng PNP chief
MANILA, Philippines — Pirma na lamang ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil ang hinihintay para sa pagbawi ng lisensya ng mga baril na pagmamay-ari ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, kasunod ito ng rekomendasyon ang Firearms and Explosives Office (FEO) na bawiin ang “license to own and possess firearms” ni Quiboloy. Nasa 19 na baril ang nakarehistro kay Quiboloy.
Bukod dito, may isa pa sa co-accused niya na nagmamay-ari ng isang baril ang inirekomendang bawian din ang lisensya.
Ipinaliwanag ni Fajardo na nakasaad sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act ang naging basehan ng pagkansela ng LTOPF ng puganteng pastor.
Nauna nang sinabi ni Marbil na inaaral ng kanyang opisina ang pirmadong resolusyon ng FEO.
Samantala, tumanggi ang PNP na tukuyin kung sino ang iba pang mga indibidwal na kasamang inirekomendang i-revoke ang LTOPF habang hindi rin malinaw kung ano ang pagkakakilanlan ng tinukoy na “Ms. Canada” na kasama rin sa binawian ng lisensya.
Gayunpaman, nilinaw ng PNP hindi pa rin maituturing na “armed and dangerous” ang naturang puganteng pastor dahil wala naman aniya itong record na nasangkot anumang karahasan.
- Latest