Libreng sakay ilalarga ng LTFRB vs tigil-pasada
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero na maaaring ma-stranded sa transport strike.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, makikipagtulungan ang tanggapan sa local government units (LGUs) para matiyak na walang mamamayan ang maaapektuhan ng tigil-pasada sa ikinasang transport strike ng transport group na Piston at Manibela.
Ang transport strike ng dalawang grupo ay bilang pagtutol sa PUV consolidation ng LTFRB na inisyal na hakbang para sa PUV modernization.
Kaugnay nito, nilinaw ni Guadiz na kailangang makumpleto ang PUV consolidation sa April 30 na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang panimula ng PUV modernization program na isinusulong ng pamahalaan.
Aniya, maaari pa namang makahabol ang mga jeepney operators na mag-consolidate bago ang itinakdang deadline dito sa April 30. Binigyang diin ni Guadiz na ang bigong mag-consolidate sa itinakdang deadline para rito ay kakanselahin ang franchise.
Hinikayat din ni Guadiz ang mga magtitigil pasada na pabayaan ang ibang drivers na makapasada dahil kailangan nilang maghanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya.
- Latest