Police colonel tinangkang gantsuhin ng nagpakilalang bank employee
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang entrapment operation sa Ermita, Maynila ang isang umano’y empleyado ng isang bangko na nagtangkang maningil ng hulog sa kotse ng isang opisyal ng pulisya, kamakalawa.
Itinago muna ng pulisya sa alyas na Jomar ang 36-anyos na suspek na residente ng General Trias, Cavite.
Kinilala siya ng kaniyang muntik nang mabiktima na si Lt. Col. Jender Mercado, 44, nakatalaga sa Internal Service Affairs ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City.
Sa salaysay ni Mercado sa MPD-Criminal Investigation Section, nagtungo sa kaniyang bahay sa Pandacan, Maynila nitong Marso 2 ang suspek at nagpakilalang tauhan ng bangko. Inabisuhan umano siya ng suspek na bayaran na ang P130,000 halaga ng hulog sa kotse ng kaniyang ina na hindi nababayaran at iginiit na sa kaniya magbayad.
Matapos nito, nagtungo sa bangko ng ina si Mercado at doon nakumpirma na ‘updated’ naman sa pagbabayad ang kaniyang ina. Dito na siya humingi ng tulong sa MPD na nagkasa ng entrapment operation.
Nakipagkita si Mercado sa suspek sa isang fastfood chain sa United Nations Avenue sa Ermita nitong Marso 8 kung saan siya inaresto ng mga pulis makaraang tanggapin ang marked money.
Sinampahan na ng kasong Robbery Extortion ang suspek sa Manila City Prosecutors Office.
- Latest