‘Senior’ na trike driver, todas sa tandem
MANILA, Philippines — Isang senior citizen na tricycle driver ang nasawi ma-tapos pagbabarilin ng ‘di pa natutukoy na riding-in-tandem habang namamasada sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng mga otoridad ang napaslang na biktima na si Ernesto Osorio, 60-anyos, may-asawa at nakatira sa Maligaya Park, Brgy. 177, ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:45 ng gabi nang madiskubre ang ginawang pamamaslang kay Osorio na natagpuang nakasalampak sa kanyang trike at tigmak sa sarili nitong dugo sa Oval St, Sampaguita, ng naturang barangay.
Sa salaysay ng isang residente sa lugar na si Jane Eslopor, kasalukuyan siyang nagpapahinga sa kanyang bahay nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril sa ‘di kalayuan kung saan makalipas ang ilang sandali, kasama ang ilan pang residente ay tinungo nila ang pinanggalingan ng mga putok at dito na nila nadiskubre ang biktima.
Sa pagtatanong ng otoridad sa mga residente sa lugar, dalawang lalaki umano na sakay ng motorsiklo ang bumaril sa biktima saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang pamamaslang.
- Latest