Parangal sa natatanging kasambahay, ikinasa ng NGO
MANILA, Philippines – Para higit na mabigyang diin ang kahalagahan ng pagpasa sa Domestic Workers Act o Batas Kasambahay, isang parangal ang inilunsad ng Philippine Jaycees Senate para sa mga natatanging kasambahay.
Ito ay ang “Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards” kung saan limang modelong Pilipinong kasambahay ang pipiliin para gawaran ng parangal.
Ayon kay Bobby Castro ng Philippine Jaycees Senate, layunin ng programa na maitaguyod ang dignidad at papel ng mga kasambahay at maisulong ang kanilang karapatan at pribelehiyo sa ilalim ng Batas Kasambahay at maprotektahan sila laban sa pang-aabuso gaya ng pwersahang paggawa at diskriminasyon.
Maaring lumahok sa patimpalak maging ang mga yaya, cook, labandera, driver, hardinero at iba pang household helper na nagtatrabaho sa kanilang kasalukuyang employer sa loob ng hindi bababa sa 10 taon. Magsisimula ang pagpili ng mga mananalo mula Mayo 25 na magtatapos sa Hunyo 30, 2016.
Sasagutin ng Palawan Express Padala ang premyo ng bawat mananalo na kinabibilangan ng P50,000 cash, tatlong araw na bakasyon sa Palawan para sa dalawa na may kasamang pamasahe, pagkain at akomodasyon.
- Latest