Lola binistay ng bala
MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang lola makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad ito sa kanilang lugar sa Camarin, Caloocan City, kahapon ng umaga.
Hindi na naisugod sa pagamutan si Nida Geniebla, 60, balo, at residente ng San Isidro, Brgy. 178 Kiko, Camarin, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang pamamaril. Naglalakad mag-isa ang biktima sa kahabaan ng Kiko Road nang biglang lapitan ng mga hindi nakilalang gunmen at pagbabarilin.
Mabilis na nakatakas naman ang mga salarin matapos ang pamamaslang habang walang sumaklolo agad sa biktima kaya agad na nalagutan ng hininga.
Palaisipan naman sa pulisya ang motibo sa naturang pamamaslang lalo na’t isang walang laban na matanda ang panibagong biktima ng salot na mga upahang gunman sa lungsod ng Caloocan.
- Latest