Sugar mommy
Dear Dr. Love,
Sumulat ako para ihingi ng payo ang aking problema. Ako po si Brandon, 26 anyos at ang trabaho ko ay DI o dance instructor. May girlfriend ako at ang relasyon namin ay magtatatlong taon na. Siya ang girlfriend ko na siniseryoso ko.
Nakilala ko si Martha, 49 anyos at isang biyuda na kliyente ko sa pagtuturo ng sayaw. Nalaman kong multi-milyonarya siya at nagkaroon ako ng masamang balak na huthutan siya o gawing sugar mommy. Napaibig ko siya at nag-live in kami sa kanyang marangyang tahanan. Lahat ng mga anak niya ay nasa abroad na.
Alam ito ng girlfriend ko at pinababayaan lang ako dahil batid niya na bahagi ito ng trabaho ko. Pero sa paglipas ng mga araw, nakita ko at nadama ang kabaitan ni Martha.
Malayo sa ugali ng girlfriend ko kaya natutuhan ko siyang mahalin.
Gusto ni Martha na magpakasal kami. Hindi raw interesado sa kayamanan niya ang kanyang dalawang anak dahil mayayaman sila at malaki ang negosyo sa Amerika. Ako raw ang magiging tagapagmana ng lahat ng yaman niya.
Naaawa naman ako sa girlfriend ko kung ilalaglag ko siya para kay Martha. Ano ang maipapayo mo para sa akin?
Brandon
Dear Brandon,
Duda ako sa sinabi mong natutuhan mong ibigin si Martha. Sorry sa pagdududa ko pero honestly, parang interesado ka lang sa ka-yamanang mamanahin mo.
Kung ako ikaw, mababagabag ang budhi ko kung gusto mo lang siyang pagkaperahan kaya payag kang magpakasal.
Pero kung hindi ka nagsisinungaling at mahal mo talaga si Martha, walang masama kung makikipagkalas ka sa girlfriend mo dahil hindi naman kayo kasal.
Pero pakaisipin mo kung mahal mo talaga si Martha. Kung pera lang ang target mo, huwag na lang.
Dr. Love
- Latest