Hinango sa ‘putik’
(Pilipino Star Ngayon) - July 19, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Umibig ako sa isang babaeng nagtatrabaho sa massage parlor at nang mapasagot ko ay pinakasalan ko siya sa kabila nang pagtutol ng kaisa-isa kong anak na babae.

Ako po si Roniel, 49 years old at isang biyudo. May tatlong taon nang wala ang aking misis na namatay sa cancer of the uterus. Ngayon ay dalawang taon na kaming kasal ni Mariel. Sa mga panahon ng aming pagsasama, pinatunayan naman ni Mariel ang kanyang katapatan. Uliran siya at wala akong maipipintas.

Pero kinukutya ako ng aking mga kamag-anak. Desperado na raw ba ako at pinakasalan ko ang isang babaeng may madilim na kahapon? Ayaw ko na tuloy dumalo sa mga reunion dahil ramdam kong kahit walang sabihin ang mga kaanak ko ay nasa isip nila ang pagkutya sa aming mag-asawa.

Mabait si Mariel. Nang dahil lang sa kahirapan kung kaya kumapit siya sa patalim at naging sauna girl.

Alam din ito ni Mariel, kaya madalas niyang itanong sa akin kung hindi raw ba ako nagsisisi at pinakasalan ko siya? Sabi ko ay mahal na mahal ko siya. Ngunit ang problema ko ay ang panlalait ng aking mga kamag-anak.

Ano po ang dapat kong gawin?

Roniel

Dear Roniel,

Ang kailangan lang ay matanto ng mga mapanlait mong kaanak ang kabaitan ng iyong asawa. Kung minsan, may mga napupulot tayo sa putikan na kapag nahugasan ay kumikinang dahil lantay na ginto pala. Iyan ang iyong asawang si Mariel.

Minsan, may mga taong akala mo ay matino, ngunit nasa loob ang kulo. Kaya ituring mo ang iyong sarili na mapalad. Ang sarili mong kaligayahan ang mas mahalaga kaysa pang-iinsulto ng iyong mga kaanak na hindi naman puwedeng ibigay ang kaligayahan mo.

Dr. Love

PUTIK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with