Quiboloy arestado na! - DILG

MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang linggong operasyon ng Philippine National Police (PNP), naaresto na si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kaugnay ng walang tigil na operasyon ng PNP sa 30 ektaryang compound ni Quiboloy sa Davao City.
Sa kanyang Facebook post, nakasaad ang “NAHULI NA PO SI QUIBOLOY” kung saan nagpakita rin ito ng larawan kasama ang legal counsel na si Atty. Israelito Torreon.
Ayon kay Abalos, ang pagkakaaresto kay Quiboloy ay indikasyon na tama ang ginawang proseso ng paghahanap ng mga pulis sa lugar sa pamumuno ni PRO 11 Director chief PBGen. Nicolas Torre.
Tumanggi naman si Torre na ibunyag ang detalye ng pag-aresto kay Quiboloy.
“I was informed by the secretary that Quiboloy has already surrendered. So nahuli na. Hindi ko alam ang details,” ani Torre.
Nasa 2,000 pulis ang ipinakalat sa lugar upang matunton si Quiboloy.
Nagsimula ang operasyon ng PNP sa KOJC compound noong Agosto 24 matapos na maglabas ng warrant of arrest ang Pasig City Regional Trial court bunsod ng kasong sexual abuse at qualified human trafficking.
Ayon naman kay Torre, hindi matatawaran ang dedikasyon ng mga pulis na nagtulung-tulong mula Aparri hanggang Jolo upang madakip si Quiboloy.
Ginawa lamang nila ang kanilang trabaho kaya naniniwala siyang hindi sila magkaaway ni Torreon.
Samantala, pinuri naman ni Sen. Risa Hontiveros, ang pagkakaaresto kay Quiboloy kasabay ng pahayag na abot-kamay na ng mga biktima ang hustisya.
Ani Hontiveros, magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
“Bilang na ang araw ng tulad nilang naghahari-harian, nambabastos sa batas, at nang-aabuso sa kababaihan, kabataan, at kapwa nating Pilipino. Abot kamay na ng mga victim-survivors ang hustisya, salamat sa kanilang paglalakas-loob na magsabi ng katotohanan,” dagdag pa ng senador.
- Latest