DepEd: 2 guro sa Iloilo ‘di namatay sa heat stroke
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Department of Education (DepEd) na hindi heat stroke ang ikinamatay ng dalawang guro sa Sta. Barbara, Iloilo na unang iniulat na binawian ng buhay habang nagkaklase sa loob ng paaralan.
“According to the Schools Division Office concerned, no teacher was reported to have died due to heatstroke,” pahayag pa ng DepEd, sa isang Facebook post.
Nauna rito, napaulat noong Martes na namatay ang dalawang guro dahil sa heat stroke habang nagkaklase ang mga ito.
Sinabi rin ng DepEd na sa kani-kanilang tahanan namatay ang mga guro at magkaiba ang sanhi ng kanilang kamatayan.
Base sa official records, isa sa mga guro nito sa Sta. Barbara ay namatay noong Pebrero 2024 dahil sa Hypertensive Cardiovascular Disease habang ang isa ay pumanaw noong Marso 2024 dahil sa Aneurysm.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng pag-aalala ang ahensiya hinggil sa umano’y ginagawa ng ilang news outlets na isini-sensationalize ang ilang insidente.
Nagpaabot din ang ahensiya ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pamilya ng mga nasawing guro.
Una nang binigyan ng DepEd ng kalayaan ang mga local school heads at mga local government units upang i-adjust ang class schedules sa kanilang lugar o di kaya ay magsagawa ng blended o distance learning kung matindi ang nararanasang init ng panahon.
- Latest