Tattoo bawal sa mga pulis - PNP
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police applicant na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng tattoo habang kailangan namang ipabura ng mga kasalukuyang pulis ang kanilang mga visible na tattoo.
Sinabi ni PNP-Public Information Office (PIO) chief Police Col. Jean Fajardo sa ginanap na press conference, sa ilalim ng memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan nitong Marso 19, 2024, ang mga uniformed, non-uniformed police gayundin ang civilian police ay kinakailangang magpabura ng kanilang tattoo na nakikita.
“For some sinasabing creative art ito, expression of oneself belief sa artistic side po nila but in every right there’s a boundaries dito ay nasa loob tayo ng uniformed service kasi pangit na naka uniformed ang pulis natin na tadtad ng tattoo,” ani Fajardo.
Ayon kay Fajardo, kailangan ding magsumite ng affidavit ang isang pulis upang ideklara ang mga tattoo niya na hindi nakikita at kailangan na huwag na itong dagdagan sa anumang parte ng kanyang katawan.
Kabilang sa mga tattoo na pinapatanggal ay ang tinatawag na extremist tattoos, ethnically o religiously discriminatory, offensive tattoos, indecent tattoos, acist tattoos at sexist tattoos.
Hindi naman sakop ng kautusan ang mga aesthetic tattoos kabilang ang eybrows, eyeliner at lip tattoo.
Ang sinumang pulis na tatanggi sa polisiya ay mahaharap sa kasong administratibo.
Bawal na ring pumasok ang mga police applicant na mayroong tattoo, bibigyan sila ng tatlong buwang palugit upang tanggalin ang kanilang tattoo. Dapat ay sundin ng mga nais na magpulis ang regulasyon ng PNP.
- Latest