Philippine Coast Guard, nagdeploy ng barko sa Benham Rise
Dahil sa presensiya ng Chinese ships..
MANILA, Philippines — Nag-deploy kahapon ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang barko sa Benham Rise, kasunod ng ulat na may dalawang Chinese research vessels ang namataan doon.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, idineploy nila ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) para sa isang two-week mission sa Batanes at Benham Rise, simula nitong Lunes.
Sinabi naman ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, na ang naturang barko ay magpapatrolya sa bisinidad ng naturang katubigan upang magsagawa ng maritime domain awareness, paigtingin ang presensiya ng coast guard sa Northern Luzon, at i-monitor ang mga lokal na mangingisda.
“We will also check the reported Chinese research vessels in Benham Rise,” dagdag pa ni Balilo.
Samantala, nabatid na maging ang air assets ng Coast Guard Aviation Force ay nakaantabay na rin para sa posibleng augmentation, partikular na sa pagsasagawa ng aerial surveillance.
Ang Benham Rise, na matatagpuam sa east coast ng Pilipinas, ay idineklara ng United Nations noong 2012 bilang bahagi ng continental shelf ng bansa.
Noong 2017, pinalitan ng Maynila ang pangalan nito at ginawang “Philippine Rise.”
Una nang sinabi ni Ray Powell, director ng SeaLight sa Gordian Knot Center for National Security Innovation, noong Biyernes na dalawang Chinese research vessels ang namataang naglalayag sa northeast ng Benham Rise, na matatagpuan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
- Latest