DOF walang datos sa ‘social costs’ ng POGO
MANILA, Philippines — Inamin ng Department of Finance (DOF) na wala silang datos para suportahan ang kanilang posisyon sa “social costs’ ng pagpayag sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa.
Ito ang nabunyag sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means matapos tanungin ni Sen. Francis “Chiz” Escudero si Finance Assistant Secretary Valery Joy Brion na magbigay ng basehan sa kanilang posisyon na “the POGO’s modest contribution to the economy does not outweigh the social costs of its continued operations.”
Tanong ni Escudero kay Brion: “How did you compute social cost?”
Inamin naman ni Brion na sa kasalukuyan ay wala silang datos para dito kaya muli siyang tinanong ni Escudero ng “If it were a mathematical computation or a list of things you considered, what would it be? Ano ba dapat ‘yung income para masabi n’yo na it outweighs the social costs and we should keep it,”
Bagama’t nabanggit ang social costs sa position paper ng DOF, muling iginiit ni Brion na wala pa rin umano silang datos sa kasalukuyan.
Tinanong pa ni Escudero si Brion kung nagsagawa ba sila ng pag-aaral o survey para patotohanan ang kanyang claim.
Matapos aminin ng DOF na hindi sila nagsawa ng survey, binigyang diin ni Brion na isinaalang-alang ng ahensiya ang maraming factor, kabilang ang ulat sa POGO industry, gayundin ang kontribusyon.
- Latest