Mga aktibista pinalagan panukalang 'i-ban' radikal na party-lists
MANILA, Philippines — Kinwestyon ng ilang progresibong grupo ang isang panukalang batas na layong i-disqualify ang mga party-list groups na nire-red tag ng estado bilang "directly" o "indirectly" kumikilos laban sa interes ng gobyerno o 'di kaya'y may kinalaman diumano sa mga rebelde.
Sa Senate Bill 201 kasing inihain ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa nitong ika-7 ng Hulyo, gustong i-ban ang mga sumusunod na grupo:
- mga grupong nagpapalahok sa mga bata, kabataan at "disadvantaged" members ng lipunan para magsagawa ng marahas o iligal na gawain
- mga grupong direkta o hindi direktang lumalahok sa gawaing "detrimental to the best interest of the government"
- kaugnayan sa mga rebelde o 'yung mga designated o proscribed terrorist persons o groups sa ilalim ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020
Layon ng panukalang amyendahan ang Republic Act 7941 o Party-list System Act, na siyang nagbibigay ng representasyon sa mga marginalized groups at sectors sa Kamara.
Ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People's Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay una nang "dinesignate" bilang "terorista" ng Anti-Terrorism Council. Ang designation ay magti-trigger sa otoridad ng Anti-Money Laundering Council na mag-freeze ng assets na pinaniniwalaang nagpopondo sa terorismo.
Sa kabila nito, ligal pa rin ang pagsapi sa CPP-NPA-NDFP dahil sa iba pa ang proseso ng "proscription" sa ilalim ng R.A. 11479. Matatandaang naging ligal ang CPP noong i-repeal ang Anti-Subversion Law noong 1992.
"[T]here have been party list groups which have successfully entered the Halls of the House of Representatives which perpetuate radical, and oppressive principles in their platform of governance," wika ni Dela Rosa sa explanatory note ng panukala.
"It is time to finally put an end to the exploitation of the Party List System. Let us restore the dignity of this system as originally intended by the framers of the 1987 Constitution."
'Apektado pati lehitimong party-lists'
Walang party-list na direktang pinangalanan si Dela Rosa sa explanatory note ng SB 201. Sa kabila nito, dati nang tinukoy ni Dela Rosa ang Kabataan party-list (na miyembro ng Makabayan bloc) sa inakda niyang Committee Report No. 10 noong 18th Congress bilang isa sa "legal fronts" ng CPP-NPA-NDFP.
"Obviously, Senator Dela Rosa is trying to target the Makabayan bloc with his bill as it includes the NTF-ELCAC's script of baseless red-tagging against the progressive party-lists," wika ni ACT Teachers Rep. France Castro, Biyernes.
"A legislated red-tagging that will not only affect the Makabayan bloc but all genuine marginalized sectors that should be represented by party-list groups."
Ani Castro, matagal nang "script" ito nina Dela Rosa para paratangan silang mga miyembro ng Makabayan bloc kahit na walang kongkretong ebidensya. Aniya, patuloy lang itong pag-atake sa karapatan ng mga Pinoy na maghalal ng mga representanteng kumakatawan sa mga napag-iiwan sa lipunan.
Ilang beses na rin daw ibinabasura ng mga korte ang mga gawa-gawang kaso sa mga ligal na aktibista't human rights defenders.
"Ngayon, dahil hindi nila maipaniwala ang korte, gusto na lang nilang iinstitusyunalisa ang red-tagging at busalan ang mamamayan," dagdag pa ni Castro.
"This is a desperate attempt of the Marcos-Duterte administration to silence the Makabayan bloc and hide the billions worth of corruption issues of the previous and present administrations. Lies and fake news will never win over the truth and genuine love and desire to serve the people."
"Gastusin na lang nila ang pera ng bayan at gamitin ang makinarya ng gobyerno para halimbawa sa mga pangangailangan ng teachers, education workers at mga estudyante para sa ligtas na balik-face-to-face classes imbes na sa paninira at pamumulitika."
Kilala ang ACT Teachers party-list sa adbokasiyang makabuluhang dagdag sweldo sa mga guro at kawani ng edukasyon, pagtitiyak ng karapatan ng bawat guro, kawani, bata at ng publiko.
'Anong batayan sa rebel links?
Kinastigo rin ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang panukalang ito ni Dela Rosa, lalo na't pagsasabatas daw ito ng bara-barang pag-uugnay sa mga kritiko sa mga lihim at armadong rebelde, panggigipit at pasismo.
"As if killing partylist activists is not enough, he wants their complete exclusion. What parameters will be used when one is labeled as having links?" pagtatanong ni BAYAN secretary general Renato Reyes Jr. sa panayam ng Philstar.com.
"Is this the same as the parameters for red-tagging used by [National Task Force to End Local Communists Armed Conflict? Or the parameters used by the ATC when it labels so-called 'terrorists?'"
Ilang akademiko't kritiko na ang nagsasabing ang pagtatanggal ng mga progresibong party-list sa gobyerno ay lalo pa ngang maghihikayat sa marami na 'wag na lang lumaban sa ligal at sa halip tumangan ng armas.
- Latest