Popcom: Maraming Pinoy kailangan ng 2-3 trabaho para matustusan ang pamilya
MANILA, Philippines — Maraming Pilipino sa bansa ang nangangailangan ng dalawa hanggang tatlong trabaho para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ayon kay Commission on Population and Development (Popcom) Executive Director Juan Antonio Perez III, hindi na sapat ang iisang trabaho lang na may minimum na sahod para makabuhay ng pamilya.
“In places like NCR, you have to have two jobs. Outside of NCR, nakita namin na in many regions lalo na sa southern part ng Luzon, and in Visayas and Mindanao, you need to have around 3 jobs based on the minimum wage... mababa masyado iyong nasasagot ng minimum wage para sa needs ng Filipino family,” ani Perez.
Dagdag ng Popcom, nakababahala ang datos na nagsasabing dumami pa ang mga pamilyang Pinoy na nasa ilalim ng poverty line o iyong mga maituturing na mahihirap na kumikita ng mas mababa sa P12,000 kada buwan.
“Gumawa ng pag-aaral ang [PSA] ukol sa poverty sa Philippines comparing first half ng 2018 to the first half of 2021. Nakita na tumaas ang bilang ng pamilyang Pilipinong naghirap ‘no, from 4 million naging 4.6 million. So lumalabas na 26 million Filipinos are living below the cost of living and tumaas ito sa mga lugar na mataas ang COVID, iyong mga areas like NCR, Central Luzon, Central Visayas,” ani Perez.
Sa Metro Manila, maitataas sa P570 ang minimum wage kada araw sa susunod na buwan pero kakarampot umano ito ayon sa ilang labor groups na nagsabing dapat nasa higit isang libong piso kada araw na ang pasahod para mabuhay ng disente ang isang pamilya na may limang miyembro.
Giit ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, hindi na angkop ang sistema na ginagamit sa bansa para matukoy ang lebel ng sahod ng mga manggagawa.
“Dapat living wage talaga ang tinitignan ang ating sinusubukan na makamit at hindi ang cheap labor o cheap wages,” ani TUCP spokesperson Alan Tanjusay.
- Latest