Demolition job vs pamilya ni Robredo, kinondena
MANILA, Philippines — Kapwa binatikos ng senatorial candidates na sina Antonio Trillanes at Chel Diokno ang demolition job laban kay Vice President Leni Robredo at sa pamilya nito.
Ginawa ng dalawang pambato ng Tropang Angat ang pahayag kasunod ng paglutang ng screenshots ng Google search sa Twitter na nagpapakita ng umano’y video ni Aika Robredo, panganay na anak ng Bise Presidente, sa ilang porn sites.
“Simula na ang paninira sa pamilya ni Leni Robredo. Ibig sabihin, palakas na nang palakas,” tweet ni Trillanes, na nakapagsilbi na sa Senado ng dalawang termino o 12 taon hanggang 2019.
Para naman kay Diokno, na isang human rights lawyer, ang banat sa pamilya ni Robredo ay bagong script ng kalaban dahil desperado na sila sa pang-angat ng Bise Presidente sa surveys.
Nanawagan din si Diokno sa Google na alisin agad ang links sa mga nasabing paninira at huwag nang hayaan pa ang mga kahalintulad na link sa hinaharap.
Naniniwala ang dalawa na dapat ipagtanggol si Robredo at kanyang mga anak sa mga ganitong uri ng paninira, na nangyari kasunod ng pagtaas ng rating ng Bise Presidente sa mga nakalipas na surveys
Nakakuha si Robredo ng dagdag na siyam na puntos sa bagong Pulse Asia survey, na tumabas sa lamang ng kanyang karibal na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
- Latest