Lacson-Sotto nais ibalik prangkisa ng ABS-CBN kung manalo sa Mayo
MANILA, Philippines — Ready ang tandem ng presidential candidate at vice presidential candidate na sina Sen. Panfilo Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, bagay na natanggal sa free TV noong 2020.
"Yes, [payag ako]. Not for anything, but to enhance competitiveness or competition," wika ni Lacson sa media, Martes, habang nasa press conference nang maitanong tungkol sa Kapamilya network.
"Kasi dati dalawa ‘yung TV networks. Of course may SMNI, TV5, CNN, marami pang iba pero magbawas ka ng isa, mababawasan 'yung competition."
Ika-5 ng Mayo, 2020 nang maglabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN ang National Telecommunications Commission matapos mapaso ang prangkisa ng noo'y pinakamalaking media network sa telebisyon.
Nangyari ito matapos nila ilang beses makabangga si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng hindi pag-e-ere ng kanyang political ads noong tumatakbo pa noong 2016.
Bagama't naghain ng mga panukalang batas para maibalik sa himpapawid ang istasyon, ibinasura ang mga ito sa Kamara. Enero lang nang maibalitang iginawad na ang dating frequencies ng ABS-CBN sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni dating Sen. Manny Villar.
Giit pa ni Lacson, makatutulong ang mas maraming media networks na abot-kamay nang marami para mabantayan ang mga katiwaliang nangyayari sa pamahalaan.
"Dapat i-enhance natin ‘yung participation ng mass media in our society. Kasi kayo ‘yung watchdog, hindi ba?" dagdag pa ni Lacson.
"Siguro kung walang media, mas maraming abuses. That’s a fact."
Sinang-ayunan naman siya ni Sotto, at sinabing baka maulit ang mangyari noong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972 dahil sa kawalan ng malayang midya. Ang anak ni Macoy ay kandidato rin sa pagkapresidente — si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Enero 2021 lang nang ihain nina Sotto ang Senate Bill 1967, na layong i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN ng 25 taon pa. Pending pa rin ito sa komite hanggang sa ngayon.
Inihain ito nina Sotto kahit na sumikat siya nang husto bilang host sa noon time show na "Eat Bulaga," na nasa karibal na istasyon ng ABS-CBN na GMA-7. — James Relativo
- Latest