Ka Leody naglinaw: 2022 presidential bid 'di iaatras para suportahan ibang kandidato

Makikitang nakasuot ng face mask laban sa COVID-19 ang presidential aspirant na si Ka Leody de Guzman sa file photo na ito, kasama ang ilan sa kanyang mga suporter
File

MANILA, Philippines — Bagama't "lesser known" kumpara sa mga makakatunggali, walang balak ang isang aktibistang presidential aspirant na iatras ang kanyang kandidatura sa 2022 kahit na bukas ang kanilang kampo sa pakikipag-alyansa sa iba pa.

Ito ang inilinaw ni Partido Lakas ng Masa presidential candidate Ka Leody de Guzman, Miyerkules, kahit na meron pang ibang kakandidatong bahagi ng oposisyon sa parehong pwesto.

"Madalas akong tinatanong ng media kung handa daw ba akong iatras ang aking kandidatura at suportahan ang isa sa aking mga katunggali," sabi ng "sosyalistang" kandidato ngayong araw.

"Hindi po tayo aatras. Malinaw yan sa akin, sa aking partido, at sa masang Pilipino na naniniwala sa ‘Manggagawa Naman sa 2022.'"

Aniya, ang kanyang pagtakbo kasama ang katambal na si vice presidential aspirant Walden Bello ay "bunsod ng paghahangad ng masang Pilipino para sa makabuluhang pagbabago sa buhay pulitika at ekonomiya ng bansa."

Primarya raw kasi sa kanilang plataporma ang ang polisiya ng pagtampok sa paggawa at mga manggagawa, na siyang nakasentro sa "pag-ahon sa krisis ng dulot ng pandemya at klima."

"Kung mayroon mang ‘unity talks’ sa ibang kandidato, ito ay nakabatay sa prinsipyo’t kumon na paniniwala kung papaano mapabuti ang abang kalagayan ng masa," dagdag pa niya.

"Bukas kaming makipag-usap sa lahat ng kandidato na seryoso sa layunin na resolbahin ang mga krisis na pinagdadaanan ng masa, kabilang ang pagdiskaril sa tambalang Marcos-Duterte."

Tinutukoy niya sa itaas ang pagbangga sa diumano'y banta ng pagkakapanalo nina presidential at vice presidential aspirants Ferdinand "Bongbong" Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na sa pananaw ng kanilang grupo ay kumakatawan sa mga "pasista't elitistang pamumuno."

Si Bongbong ay anak ng yumaong diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. habang si Sara naman ay anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nababatikos sa pagkamatay ng mahigit 6,000 drug suspects, maliban pa sa extrajudicial killings ng mga aktibista.

Kilalang kritiko rin ng administrasyon at mga Marcos si 2022 presidential bet at Bise Presidente Leni Robredo.

Matatandaang naglunsad si Robredo ng mga unity talks sa iba pang kakandidato sa susunod na taon sa layuning "pagkaisahin ang taumbayan." Dati'y nakasandig ito sa pakikipagkaisa kasama ang iba pang non-administration politicians sa pag-asang bumuo ng iisang ticket para banggain ang mga kandidatong susuportahan nina Digong.

Bagama't parehong tinitignang bahagi ng oposisyon, matatandaang sinabi ni Robredo na "suportado" niya ang mandato ng kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na nasa likod ng ilang red-tagging efforts sa mga kritiko ng gobyerno, habang naninindigan naman si De Guzman na dapat nang buwagin ang nasabing ahensya. 

Show comments