_ngayon
^
DOH: Datos kulang para sabihing 'ineffective' ang Sinovac sa health workers
Tinuturukan ng local government of Quezon City ang ilang A4 priority sector sa pag-arangkada ng QC ProtekTODO Bakuna Nights sa city hall open grounds, ika-16 ng Hunyo, 2021. Layon ng programa na mabakunahan sa gabi ang mga residenteng hindi makapagpaturok sa umaga dahil sa pagtratrabaho.
The STAR/Miguel de Guzman

DOH: Datos kulang para sabihing 'ineffective' ang Sinovac sa health workers

James Relativo (Philstar.com) - June 18, 2021 - 2:00pm

MANILA, Philippines — Pinag-iingat ngayon ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pag-intindi ng mga artikulong lumalabas pagdating sa mga healthcare workers na nahahawaan pa rin ng COVID-19 kahit bakunado na ng gamit ang gamot na likha ng Chinese drug manufacturer na Sinovac — bagay na napatunayan na raw na epektibo laban sa nakamamatay na sakit.

Bagama't 350 medical workers sa Indonesia ang nagpositibo pa rin sa COVID-19 kahit naturukan ng CoronaVac, posibleng maliit lang daw ito kung libu-libo ang manggagawang pangkalusugan ng naturang bansa, ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Kulang-kulang pa rin ang mga datos na iniuuulat at hindi pa tiyak kung kumpleto na nila ang dalawang doses na kailangan para makuha ang full protection.

"Unang-una, hindi po sinaad diyan kung meron ho silang control group doon sa tinatawag na pag-aaral na naisagawa," ani Vergeire sa isang media forum, Miyerkules.

"One expert was saying, let's say may 5,000 silang healthcare workers diyan sa mga ospital nila [sa Indonesia], but the fact of the matter would be that it was reported 300 'yung nagkasakit. So 300 out of the 5,000 would be around 2-3%, and that leaves you with still 97% effectiveness of this vaccine."

Una nang sinabi ng World Health Organization na 51% effective ang CoronaVac para mapigilan ang "symptomatic disease," habang kaya naman nitong pigilan ng 100% ang severe COVID-19 at hospitalization sa mga naaral na populasyon.

Fully vaccinated na tao pwede pa rin mahawaan

Kahit kumpleto na ang bakuna ng isang tao laban sa COVID-19, posible pa rin tamaan ng nasabing karamdaman ang isang tao. Sinasabing naibibigay lang din ang "full protection" sa isang tao matapos ang dalawang linggo (14 araw) matapos maibigay sa kanya ang ikalawang dose ng bakuna.

Patuloy nina Vergeire, hindi naman ikinakaila ng DOH na merong konsepto ng "breakthrough infections," o pagkakahawa ng COVID-19 kahit na fully vaccinated ang isang indibidwal. Gayunpaman, epektibo pa rin daw ito kung maituturing sa kabuuan.

"'Yung real world studies po, nagpalabas na lahat ng bakuna, pati po 'yung mga ginagamit po natin sa ating bansa, ay pantay-pantay sa effectiveness. Ibig sabihin, it can prevent severe infections and hospitalization," sambit ng DOH official.

"Hindi pa lang po nakakapaglabas ang ibang mga manufacturers katulad ng Sinovac when it comes to specific variants, kung ano ang epekto nito sa kanila."

Ilang araw na lang din daw ang kailangang antayin para malaman kung gaano kaepektibo ang Sinovac vaccine pagdating sa sari-saring COVID-19 variants na nagsusulputan, lalo na't kasama naman ang CoronaVac sa emergency use listing.

Ilan sa mga mas nakahahawang COVID-19 variants ang natagpuan na sa Pilipinas: ito ay yaong mga unang nadiskubre sa United Kingdom, South Africa, India at Brazil.

"The bottom line of this would be, lahat po ng bakuna natin, no matter [what] variants are there, naaapektuhan 'yan yes, oo. Pero meron pa rin naman ring natitira na pagporotekta sa atin," sabi pa ni Vergeire.

"Let's get the vaccine, let us not be doubtful, let's give them their confidence kahit may ma lunakabas na mga ganitong balita, 'yan pong bakuna ay isa po sa susi para malabanan po natin itong pandemya."

Booster shot sa mga nurse, doktor?

Samantala, pinag-aaralan pa ng DOH kung mairerekomenda nila ang pagbibigay ng "booster shots" para sa mga Filipino healthcare workers, bagay na mas exposed sa COVID-19 araw-araw.

Aniya, kinukumpleto pa raw kasi ang mga resulta ng mga isinasagawang trials diyan ng Estados Unidos at UK. Hindi pa raw masasabi sa ngayon ng gobyerno kasi kung ano ang negatibong reaksyon na pwedeng magmula sa pagbibigay ng booster shot sa mga tao.

"We are set to start po itong ating [Department of Science and Technology] trial kung saan dito po pag-uusapan o titignan, pag-aaralan itong mix and match ng bakuna at tska ito pong booster shots," saad pa niya.

"Titignan po natin in the coming days. Kapag may sapat na po na ebidensya na lumabas, kahit na galing 'yan sa ibang bansa, pinag-aaralan naman po 'yan ng vaccine experts natin at malalaman natin kung kakailanganin natin."

Sa huling datos ng pamahalaan nitong Huwebes, umabot na sa 1.33 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 23,276.

COVID-19 VACCINE NOVEL CORONAVIRUS SINOVAC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with