Paglaya ni Pemberton na killer ni Jennifer Laude, 'di muna iproproseso habang may mosyon
MANILA, Philippines — Hindi muna palalabasin ng kulungan ang kontrobersyal na mamamatay tao't dating U.S. marine na si Joseph Scott Pemberton, pagkukumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Justice (DOJ), Huwebes.
'Yan ay matapos ianunsyo ng Olongapo court na inuutos nila ang paglaya ni Pemberton — na pumaslang sa Filipina transwoman na si Jeniffer Laude noong 2014 — dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
"[A]dvise ng DOJ hindi ipo-process ang release [ni Pemberton] since there was a [motion for reconsideration] filed and we'll just wait for the resolution of the MR," sabi ni BuCor Director General Gerald Bantag sa text na binasa ni presidential spokesperson Harry Roque.
Dagdag pa ni Roque, nakausap na niya si Justice Secretary Menardo Guevarra hinggil sa isyu at inaantay na lang ang inihaing mosyon ng BuCor. Meron ding nakahaing MR ang pamilya Laude upang kwestyonin ang desisyon ng Olongapo court.
Bukod pa riyan, sinasabi raw kasi ng batas na dapat may rekomendasyon muna ng BuCor bago mabigyan ng allowance for good conduct ang mga inmate, o yaong pagpapaiksi ng sintensya dahil sa "mabuting asal" nila habang nakakulong.
Matatandaang napatunayang nagkasala si Pemberton sa pagpatay kay Laude noong Oktubre 2014 nang matagpuang may marka ng pananakal si Jennifer sa isang hotel habang nasa kubeta ang ulo. Nasa Pilipinas noon ang sundalong Amerikano bilang bahagi ng military exercises ng dalawang bansa.
'GCTA hindi applicable'
Giit pa ni Roque, na tumayo noong private prosecutor ng pamilya Laude, gumawa rin ng kalabisan ang hukom ng Olongapo nang pagdesisyunan basta-basta ang paglaya ni Pemberton gamit ang GCTA.
"[H]ayaan niyo pong mag-move for reconsideration ang executive branch, dahil ang desisyon naman po on allowance for good conduct is an executive function," banggit ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"So 'yung ginawa po ni judge na siya na ang nagdesisyon kung paano siya bibigyan ng credit for good conduct is an instance of 'judicial overreach.'"
Kanina lang nang sabihin ni Romel Bagares, abogado ng pamilya Laude, na hindi dapat payagang lumaya ang killer gamit ang GCTA law lalo na't saklaw kasi ng Visiting Forces Agreement (VFA) ang dating sundalo.
Aniya, wala pa rin daw kasing espisipikong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos pagdating sa kanyang disposisyon bagama't napatunayan nang guilty.
May kaugnayan: Laude family's lawyer: GCTA should not apply on Pemberton's case
Hindi man lang nakatikim ng preso?
Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, malabo ang kagustuhan ng korteng palayain ang mamamatay tao lalo na't hindi pa niya talaga nahaharap ang parusa buhat ng mga probisyon ng VFA.
Sa ilalim kasi nito, nasa Amerika ang jurisdiction ng mga sundalong Kano na gagawa ng krimen sa Pilipinas, maliban na lang kung "importante para sa Pilipinas" ang nabanggit na krimen.
"He never spent one single day in a Philippine prison. Instead, he was kept in an American facility, guarded by his fellow American soldiers, and possibly given the best treatment a convicted criminal could wish for," sabi ng militanteng mambabatas.
"Hindi ko alam kung masasabi talaga natin na naparusahan siya para sa kanyang karumal-dumal na krimen."
Dahil dito, muling nanindigan ang Bayan Muna na dapat agarang maibasura ang VFA, lalo na't binibigyan lang daw nito ng special treatment ang mga Amerikanong kriminal sa lupaing Pilipino.
Kanina lang din nang sabihin ni Roque na ni minsan ay hindi niya nakita si Pemberton habang sine-serve ang kanyang sentence. May natatanggap pa na balita ang spokesperson na malayang nakalilipad palabas ng bansa si Pemberton kahit na nililitis ang kanyang kaso.
Tiniyak naman ni Roque na desidido pa rin si Duterte na balewalain na ang VFA, at inilinaw na ipinagpaliban lang nang anim na buwan ang proseso. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero
- Latest