_ngayon
^

Bansa

Hindi senior: Madalas tablan ng COVID-19 sa Pilipinas 'mas bata' sa iniisip mo

James Relativo - Philstar.com
Hindi senior: Madalas tablan ng COVID-19 sa Pilipinas 'mas bata' sa iniisip mo
Naglalakad nang naka-face mask ang mga taong ito sa publiko, Marso 2020
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Kapag coronavirus disease (COVID-19) ang usapan, madalas isiping sakit ito ng matatanda. Pero kung titignan ang numero, tila hindi 'yan lapat sa lupa.

Kabataang edad 20-29 at hindi senior citizens ang numero unong biktima ng COVID-19 sa Pilipinas, pagkukumpirma ng Department of Health (DOH), Biyernes.

'Yan ay kahit sinabi ng World Health Organization (WHO) at U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na mas prone sa "severe" COVID-19 ang mga 60-anyos pataas.

May kinalaman: Senior citizens need greater social protection, health services during COVID-19 pandemic — think tank

"Ang bulk pa rin ng number  ng cases natin ano ay 'yung nasa productive age group. Nandoon siya sa 20 years old until up to 59 years old," pagbabahagi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 

"So ito 'yung working group natin, ano. Kasi sila na 'yung lumalabas, nagtratrabaho, babalik sa pamilya, magkakasakit, maiinfect 'yung iba."

Narito ang breakdown ng mga kaso:

  • 10-anyos pababa (3,500+)
  • 10 hanggang 19-anyos (6,249)
  • 20 hanggang 29-anyos (37,188)
  • 30 hanggang 39-anyos (34,700)
  • 40 hanggang 49-anyos (23,939)
  • 50 hanggang 59-anyos (18,087)
  • 60 hanggang 69-anyos (10,687)
  • 70 hanggang 79 (4,000+)
  • 80-anyos pataas (1,000+)

Kahit relatibong mas kakaonti ang senior citizens na may COVID-19, madalas na paalalahanan ng DOH ang mga may edad na mag-ingat na mahawaan ng SARS-CoV-2.

Mas mailap man dumapo sa tumatanda, mas matitinding sintomas kasi ang kanilang nade-develop, gaya na lang ng mga "immunocompromised" at may mga dati nang sakit gaya ng heat disease at diabetes.

Maliban sa mga nagtratrabaho, kinikilala rin ni Vergeire na driver ng infection ni ang mga "imported cases" gaya ng mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) at locally stranded individuals (LSIs) na umuuwi mula sa mga sentrong lungsod papunta ng mga probinsya.

Nariyan na rin ang "community transmission," na nangangahulugang hindi na klaro kung saan at sino na ang nakapanghahawa sa isang pasyente.

COVID-19 sa mga chikiting

Hindi pa rin naman ligtas mula sa COVID-19 ang mga menor de edad, kahit na sila ang isa sa mga may pinakamababang kaso ng infection.

Aniya, sa tuwing uuwi kasi ang kanilang mga magulang o nakatatandang kasama sa bahay ay makakasalamuha pa rin sila ng mga bata.

"And alam natin, part of the house holds are children. So maaaring kapag umuwi sila, maaaring naaapektuhan 'yung mga bata at na-iinfect sila," paliwanag ni Vergeire.

Una nang isiniwalat ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, isang COVID-19 survivor, na mas matibay sa nasabing virus ang mga bata.

'Yan ang kanyang isinambit noong inilalatag kay Pangulong Rodrigo Duterte ang planong face-to-face classes sa mga modified general community quarantine (MGCQ) low-risk areas pagsapit ng 2021.

"Children are not as badly affected by this COVID phenomenon as the adult, especially, the elderly," wika ni Briones noong Hulyo.

"We only have 16 recorded deaths of children, which is 0.87% of the total deaths as of July 19."

DEPARTMENT OF HEALTH NOVEL CORONAVIRUS SENIOR CITIZENS YOUTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with