'Try lang': CHED plano ang pisikal na klase sa MGCQ areas sa Hulyo
MANILA, Philippines — Kahit may banta pa rin ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, gumagawa na raw ng panuntunan ang Commission on Higher Education (CHED) kung paano makapaglulunsad ng harapang klase sa mga kolehiyo at unibersidad sa susunod na buwan.
'Yan ang inilahad ni CHED chairperson Prospero de Vera, Martes, sa panayam ng CNN Philippines. Aniya, plano nilang igulong ang "test-run" sa kalagitnaan ng Hulyo sa mga modified general community quarantine (MGCQ) areas — ang pinakamaluwag at low-risk na mga lugar sa virus.
Nakatakda naman daw nilang isumite ang kopya ng mga ibinalangkas na guidelines sa Inter-agency Task Force on Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa susunod na linggo.
"May kombinasyon ka ng limited face-to-face at saka mayroon kang online or limited face-to-face at saka mayroon kang offline doon sa mga lugar na walang connectivity," banggit ni De Vera.
"Yan ang pinaghahandaaan natin kasama ng ating mga eksperto."
Ilan sa mga panuntunang kanilang imimumungkahi ay ang paglalayo ng mga upuan sa silid-aralan, at mga "health measures" sa mga kainan. Dapat din daw na makasunod ang mga unibersidad at kolehiyo sa gagawing protocol ng komisyon at Department of Health, bagay na ikokonsulta rin sa lokal na pamahalaan.
'Yan ang binanggit ni De Vera kahit na desidido si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpigil ng mga face-to-face classes — lalo na sa mga bata — habang wala pang bakuna laban sa COVID-19.
Basahin: COVID-19 vaccine muna dapat bago magbukas ang mga eskwela — Duterte
May kaugnayan: Life After Lockdown: Massive shift to online education widens digital gap between rich and poor
Tuloy naman ang mga klase para sa elementarya at hayskul sa Agosto, pero ayon kay Education Secretary Leonor Briones, blended o distance learning ang gagamiting approach kung kaya't wala pa ring pisikal na pasok. Gagamit lamang muna raw ng internet, radyo at telebisyon para sa pagtuturo sa mga estudyante.
Ilang araw pa lang din ang nakalilipas nang sabihin ni Digong na maghahanap ng pera ang gobyerno para pondohan ang mga karagdagang radyo para magamit ng mga estudyante sa mga liblib na lugar ng bansa.
Dagdag ni De Vera, oras na payagan ng IATF ang CHED, plano nilang ipatupad nang tuluyan ang face-to-face arrangement pagsapit ng Agosto o Setyembre.
Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan kamakailan na pwede na uli ang mga pagtitipon sa mga kolehiyo at unibersidad sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ. — James Relativo
- Latest