Mga pulis na nangongolorum, pinabubusisi kay Bato
MANILA, Philippines - Hiniling ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na busisiin ang mga pulis na nagmamaneho ng mga colorum vehicles.
Iginiit ito ni LCSP founding President Ariel Inton kay dela Rosa makaraang makatakas ang isang pulis na hinuli ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil sa pamamasada na walang prangkisa sa may NAIA road kanto ng Tambo service road sa Pasay noong Abril 26, alas-7 ng umaga.
Sinasabing ang driver ng colorum van ay nagpakilala lamang pulis nang mahuli at nagpakita pa ng kanyang baril saka agad na sumibat.
Binigyang diin ni Inton na dapat masupil ni dela Rosa ang mga tauhan na ginagamit ang kapangyarihan at posisyon para makapamasada ng mga colorum vehicles.
Anya, nalalagay din sa alanganin ang buhay ng mga pasahero oras na sumakay sa mga colorum na sasakyan.
Sinabi ni Inton na suportado naman niya na mag-sideline ang mga pulis ng mga pampasaherong sasakyan pero kailangang isalegal ang operasyon upang hindi makompromiso ang buhay ng mga sakay nito.
- Latest