Bill laban sa suspension sa mga kongresista isinampa
MANILA, Philippines - Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara para hindi masuspinde ang mga kongresista na nakakasuhan sa Sandiganbayan dahilan sa mga irregularidad na nangyayari sa dati nilang posisyon sa gobyerno.
Ang House Bill 3605 na inihain nina Speaker Pantaleon Alvarez, Majority leader Rodolfo Farinas, Minority leader Danilo Suarez at Kabayan partylist Rep. Harry Roque ay suportado na ng mahigit 50 kongresista na lumagda sa panukala bilang co-authors.
Pinaamyendahan ng panukala ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nakasaad sa panukala na bibigyan ng exemption sa pagpapataw ng preventive suspension ng Korte sa sinumang opisyal ng gobyerno na hindi na konektado sa dating posisyon kung saan nag-ugat ang iregularidad na dahilan ng asunto nito.
Ipinaliwanag sa panukala na ang preventive suspension ay naglalayon lamang na hindi maimpluwensyahan ng akusado ang mga saksi at hindi mapakialaman ang mga records na maaaring magamit na ebidensya laban dito.
Subalit kung wala na sa dating posisyon kung saan nangyari ang iregularidad ay hindi na umano mangyayari ang pinangangambahang pang-iimpluwensya ng akusado kaya hindi na kailangan ang preventive suspension.
Sa kasalukuyan, sina Pangasinan Rep.Amado Espino at Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte ang mayroong preventive suspension order mula sa Sandiganbayan.
- Latest