OFWs pinasalamatan ni Binay
MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Vice President Jejomar Binay ang mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa malaki nilang naiaambag sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Binay, kapag pinalad siya sa 2016 ay sisikapin niyang mabawasan ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa habang padadamihin nito ang trabaho sa bansa.
“Malaki ho ang aking pasasalamat at ng ating bansa sa ating mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil ho sa mga remittances na ipinapadala nila dito sa ating bansa,” ani Binay.
Sinabi ni Binay na hindi lamang ang pamilya ng mga OFWs ang kanilang natutulungan sa pamamagitan ng mga ipinadadalang remittances kundi maging ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Binay, dating presidential adviser on OFW concerns, ang perang ipinadadala sa Pilipinas ng mga manggagawang Pinoy ay nakakatulong ng malaki na pagalawin ang ekonomiya
“Ang bawat pagbili na ginagawa ng mga pamilya, gamit ang perang ipinapadala ng ating mga OFWs, ay tumutulong na paandarin ang ating ekonomiya,” pahayag ni Binay.
Sa data ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumalabas na nagkapagpadala ang mga OFWs ng $2.2 billion nitong Oktubre, 2015.
Ang remittance ay umabot sa $20.6 billion mula Enero hanggang Oktubre, may 3.67 porsyento sa nasabing period noong nakalipas na taon.
Nang nakalipas na taon, tumaas ang rekord ng mga ipinadala ng mga OFWs na umabot sa $24 billion sa Pilipinas na halos ika-sampu sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
“Ang mga inaangkat natin sa ibang bansa ay nabibili indirectly ng mga dolyar na ipinapadala rito sa ating bansa,”
Sa kanyang magiging administrasyon, tiniyak ni Binay na dadami ang trabaho sa agrikultura, manupaktura, mining, business process outsourcing, at export upang makapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga unemployed.
“Pwede na nating sabihing mag-a-abroad tayo dahil gusto natin, at hindi dahil napilitan lang,” wika ni Binay
“Paiigtingin pa natin ang mga financial literacy programs to teach OFWs’ families to invest, and not to merely spend the money sent home,” dagdag pa ng Bise Presidente.
- Latest



















