BIR umalma sa yosi report
MANILA, Philippines – Hinamon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares ang UK-based Oxford Economics na pangalanan kung sino ang nagpondo sa bagong pag-aaral na ang P22.5 bilyon ay nakuha mula sa illegal na pagbebenta ng sigarilyo.
Ayon kay Henares, sa ngalan ng transparency dapat na sabihin nito kung sino ang nag-commission ng nasabing pag-aaral upang malaman ng publiko kung sino ang dapat nilang paniwalaan.
Lumalabas umano sa pag-aaral na ang mga Filipino ay nakakonsumo ng 105.4 billion sticks noong nakaraang taon, 90% nito ay ginawa sa Pilipinas.
Sa isang panayam kay Henares, sinabi nito na base sa pag-aaral ng Oxford Economics 19% o 20 bilyon ng kada taong nakukunsumong sigarilyo ay mula sa illegal na pagtitinda at tanging 86 bilyon sticks lamang ang legal na nabebenta.
Subalit sa katulad na pag-aaral din umano ng World Bank(WB) lumalabas na 5% lamang ng consumption ay mula sa illegal trade dahil sa wala itong tax stamp sa merkado.
Sa ilalim ng Revenue Regulation No 7-2014 lahat ng pakete ng sigarilyo local o imported ay dapat may nakalagay na revenue stamp upang maipatupad ang sin tax law.
Sinumang lalabag dito ay makukulong ng hanggang walong taon at pagbabayad ng multa na nagkakahalaga ng P50,000.
Tiniyak naman ni Henares na ginagawa na ng kagawaran ang paraan upang malabanan ang illegal na aktibidad sa sigarilyo.
- Latest