^

Punto Mo

EDITORYAL — Mga plastic sa bituka ng balyena

Pang-masa
EDITORYAL — Mga plastic sa bituka ng balyena

KAPAG hindi napigil ang pagtatapon ng ­basurang plastic sa kanal, estero, ilog at dagat, malaking problema ang kahaharapin ng mga tao. Mapupunta lahat sa dagat ang mga basurang plastic at ­maaapektuhan ang pinagkukunan ng pagkain at ikinabubuhay. Ang mga itinapong basurang plastic ang papatay sa pinagkukunan ng pagkain at mamamatay sa gutom ang mga tao.

Ang matibay na ebidensiya na nasa dagat na ang mga basurang plastic ay nang matagpuan sa bituka ng isang balyena ang ilang kilo ng iba’t ibang uri ng plastic na kinain nito. Ang balyena ay natagpuan ng mga ­mangingisda sa karagatan ng Bolinao, Pangasinan noong Abril 8. Ayon sa mga mangingisda, nanghihina ang balyena at hindi na makalangoy.  Ang balyena (Globicephala macrorhynchus) ay tinulungan ng mga mangingisda na madala sa tabing dagat. Ang akala ng mga mangingisda, nagugutom lamang ang balyena kaya nanghihina. Makaraan ang ilang araw, namatay ang balyena.

Nang buksan ng veterinarian mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang tiyan ng balyena, nakita ang mga nangingitim na bagay sa bituka nito. Nang buksan, nakita ang iba’t ibang klase ng mga basurang plastic. Ayon sa veterinarian, matagal na sa bituka ng balyena ang mga plastic kaya nangitim na ang mga ito. Hindi kayang i-digest ng balyena ang mga plastic at ito ang naging dahilan ng kamatayan nito.

Noong 2019, isang balyena rin ang natagpuang patay sa baybay-dagat ng Davao. Nang biyakin ang tiyan ng balyena, natagpuan ang 40 kilo ng basurang plastic sa bituka nito. Ayon sa report, 45 balyena na ang namamatay sa nasabing lugar at ang dahilan ng pagkamatay ay dahil sa nakaing plastic.

Ang mga pangyayaring ito ay batid ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa katunayan, sinabi mismo ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga na malaking problema ang plastic pollution sa Pilipinas. Malaking panganib aniya sa kalusugan­ ng tao ang plastic at ganundin sa ecosystems at cli­mate change. Ayon pa sa DENR chief, naki­kitaan ng plastics sa bituka ang mga isda.

Noong Pebrero 12, 2020, inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang isang resolusyon na nagbabawal sa single-use plastics sa lahat ng government offices. Inatasan ng NSWMC ang DENR na ipatupad ang kautusan ­subalit patuloy pa rin ang paggamit ng single-use plastics.

Batid ng DENR ang masamang epekto ng plastic subalit wala silang ginagawang hakbang upang mapigilan ang paggamit nito. Nararapat silang kumilos sa malaking problemang kahaharapin ng bansa dahil sa plastic pollution.

WHALE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with