Nasaan ang Gilas?
Hindi masama ang matalo. Ang masama, kung parang nakalimutan nating lumaban.
Iyan ang pinakamabigat na tanong matapos ang sunud-sunod na pagkabigo ng Gilas Pilipinas. Hindi naman inaasahan ng mga Pilipino na bawat laro ay panalo. Pero kapag suot mo ang pangalan ng Pilipinas sa dibdib, may responsibilidad kang ipakita na hindi basta-basta sumusuko ang isang Filipino.
Lalong masakit dahil hindi naman baguhan ang Gilas. Sila ang defending champion. May talento, may karanasan at may mga manlalarong sanay sa malalaking laban. Kaya nang dumating ang mabigat na pagkatalo, natural lang na magtanong ang mga tagahanga: Ano ang nangyari?
Saan nawala ang depensa?
Saan nawala ang agresibong laro?
At higit sa lahat, saan nawala ang kumpiyansa?
Hindi puwedeng puro “bad game” ang sagot. May mga talo talagang hindi maiiwasan, pero may mga pagkatalong nagsisilbing salamin. At sa salaming ito, maraming kailangang tingnan ang Gilas.
Hindi rin makatutulong ang agad na pagturo ng daliri sa Coach o sa isang manlalaro. Basketball ay isang team sport. Kung may mali, dapat tingnan ang buong sistema mula sa paghahanda, rotation at game plan hanggang sa execution ng mga manlalaro.
Pero kailangan ding magkaroon ng accountability.
Dahil ang national team ay hindi ordinaryong koponan. Kapag Gilas ang naglalaro, milyon-milyong Pilipino ang nanonood, umaasa at nakikisakit sa bawat talo.
Hindi natin kailangan ng mga dahilan. Kailangan natin ng sagot. At higit sa lahat, kailangan nating makita ang pagbabago.
Maaaring nawala ang korona. Maaaring bumagsak ang Gilas sa isang torneo. Pero hindi pa naman tapos ang kuwento.
Ang tunay na problema ay hindi ang pagkatalo. Ang tunay na problema ay kung matututo ba sila rito o uulitin lang nila ito sa susunod na laban.
Dahil ang pagiging kampeon ay hindi titulo na habambuhay mong dala. Araw-araw itong kailangan ipaglaban.
- Latest
















