Kinansela ang application matapos tanggapin
Dear Attorney,
Nasa gitna na po ako ng pagkumpleto ng aking 30-days na rendering period matapos akong mag-resign nang biglang kanselahin ng kumpanyang inaaplayan ko ang aking application, gayong natapos ko na ang buong proseso at nakatanggap pa ako ng email na tinanggap na ako. Ano po ang dapat kong gawin ngayon?—Mel
Dear Mel,
Nilinaw ng Korte Suprema sa kasong Aragones v. Alltech Biotechnology Corporation, et al. (G.R. No. 251736, 2 April 2025) na ang bastang pagkansela ng isang kumpanya sa job offer na tinanggap na ng empleyado ay maituturing na illegal dismissal, kaya may karapatan ang empleyado na maghabol ng backwages at separation pay.
Halos pareho ang nangyari sa kasong iyon at sa iyong sitwasyon. Ang empleyado sa nasabing kaso ay natanggap sa isang posisyon at pumirma na siya sa offer letter. Dahil dito ay nag-resign na siya sa kanyang dating trabaho. Ngunit bago pa man dumating ang nakatakdang petsa ng simula sa kanya sanang bagong trabaho, binawi ng kumpanya ang alok dahil umano raw sa redundancy.
Ayon sa Korte Suprema, kung may job offer na at ito ay tinanggap na ng aplikante, umiiral na ang employer-employee relationship sa pagitan ng aplikante at ng kompanya kahit hindi pa aktuwal na nagsisimula sa kanyang bagong trabaho ang empleyado. Ipinaliwanag ng Korte na ang kontrata ay perfected o buo na kapag may mutual consent, definite object, at lawful cause. Sa kasong iyon, ang pinirmahang job offer ang nagsilbing perfected contract kaya may employment relationship na, at hindi na ito puwedeng basta bawiin o itanggi ng employer.
Kaya kung katulad sa kaso ng Aragones ay may offer letter na ibinigay sa iyo kung saan may nakasaad na posisyon, sahod, start date ng employment at iba pang employment terms, at pumirma ka o malinaw na tinanggap mo na ito, at pagkatapos ay biglang binawi ng kumpanya ang job offer bago ka pa man magsimula, ay may basehan ka para maghain ng reklamong illegal dismissal.
Kung iyan ang sitwasyon mo ay maipapayo ko na ipunin mo ang lahat ng ebidensya, lalo na ang offer letter o email na nagsasabing tinanggap ka na, at ang iyong acceptance o pagtanggap sa job offer. Maaari ka ring makipag-usap muna sa kanila at humingi ng nakasulat na paliwanag. Kung wala silang maibigay na wastong dahilan, mainam na magsampa ka ng kaso para sa illegal dismissal para maprotektahan mo ang iyong mga karapatan.
- Latest



















