Maid of Honor (128)
PAGLABAS nina Inah at Rocky sa canteen ay tamang-tama naman na nasalubong nila si Itay Nado. Mukhang pagod na pagod at gutom na gutom ang matanda. Nabigla ito nang makita na may kasama si Inah. Kinabahan. Ipinakilala ni Inah sa ama si Rocky. Sinabi rin na may dala itong magandang balita sa kanila. Saka lamang napanatag si Itay Nado.
“Halika sa canteen Itay at nang makakain ka,’’ sabi ni Inah.
“Oo nga po. Tayo na po sa loob,’’ sabi ni Rocky.
Nang maikuha ni Inah ng pagkain si Itay Nado ay saka ikinuwento ng matanda na wala siyang nakuhang buyer ng kanilang kapiranggot na lupa.
“Walang gustong bumili ng lupa natin dahil malayo raw sa bayan,’’ sabi ni Itay Nado at nalungkot ang mukha.
“Huwag kang malungkot Itay dahil solb na ang problema. Hindi na natin kailangang ibenta ang lupa natin.’’
“Bakit?’’
Sinabi ni Inah.
Tuwang-tuwa si Itay Nado.
“Bukas po ay sasamahan ko si Inah sa opisina ng PNP para i-claim ang pabuya,’’ sabi ni Rocky.
“Salamat Rocky. May magagamit na para sa operasyon ng asawa ko.’’
KINABUKASAN, maagang lumuwas ng Maynila sina Inah at Rocky at kinuha ang P10 milyong pabuya. Hindi mailarawan ang kasiyahan ni Inah nang matanggap ang perang reward.
(Itutuloy)
- Latest