May magagawa ba ang mga empleyado kung gusto nang magsara ang kompanya?
Dear Attorney,
May magagawa ba kaming mga empleyadong posibleng mawalan ng trabaho para mapigilan ang kompanya namin na magsara? Marami kaming mawawalan ng hanapbuhay kung matuloy ang pagsasara ng kompanya na sa tingin namin ay hindi naman ganoon kalaki ang pagkalugi.— Pen
Dear Pen,
Sa ilalim ng ating batas, karapatan ng may-ari na magdesisyon kung gusto man niyang isara na ang kanyang negosyo, kahit sa ano pa mang dahilan, mapa-bunsod man ito ng pagkalugi o sadyang ayaw niya lang itong ipagpatuloy.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Alabang Country Club, Inc. v. NLRC (G.R. NO. 157611, 09 August 2005): “just as no law forces anyone to get into business, no law can compel anybody to continue the same.” Ibig sabihin, kung walang batas na magpipilit sa sinuman na magtayo o magbukas ng negosyo, natural na wala ring batas na pipigil sa sinuman mula sa pagsasara ng kanyang negosyo kung wala na siyang nais na ipagpatuloy ito sa anumang kadahilanan.
Maaring sampahan ng kaso ang employer kung ang pagsasara ay ginawa upang makapagtanggal ng mga empleyado o upang makaiwas sa mga pananagutan ang kompanya o ang mga may-ari nito pero ito ay upang pagbayarin ang employer ng separation pay at danyos at hindi para utusan siyang ipagpatuloy ang kanyang negosyo.
Ang tangi n’yo lamang magagawa ay siguraduhin na susunod ang employer sa mga obligasyong kaakibat ng pagsasara ng negosyo: ang pagbibigay ng written notice sa mga apektadong empleyado at sa DOLE isang buwan bago ang nakatakdang pagsasara ng kompanya at ang pagbabayad ng separation pay kung ang pagsasara ay hindi dahil sa pagkalugi.
Sa madaling salita, pinuprotektahan ng batas ang karapatan ng mga manggagawa upang matanggap nila ang kanilang mga dapat matanggap mula sa employer pero hindi ito para pilitin ang may-ari ng negosyo na ipagpatuloy ang operasyon nito kung labag na ito sa kanyang kagustuhan.
- Latest