Maid of Honor (49)
NAGMAKAAWA si Yana kay Honorio. Umiyak ito.
“Kapag pinaalis ako ni Ate Bianca rito e wala na akong mapupuntahan, Kuya. Baka… baka bumalik ako sa…’’ at hindi itinuloy ang sasabihin dahil umiyak pang lalo.
Nag-isip naman si Honorio sa sinabi ni Yana. Saan kaya ito babalik kapag pinaalis dito. Hindi kaya sa KTV bar? Baka dun nga ang ibig sabihin ni Yana.
“Hindi ko na po uulitin ang nangyari Kuya. Huwag mo na lang pong sabihin kay Ate Bianca at baka ako paalisin.’’
Napabuntunghininga si Honorio. Binawi niya ang pagkakatingin kay Yana. Nanatili sa pagkakaupo sa sopa. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin kay Yana. Nalilito siya.
“Parang awa mo na Kuya,’’sabi ni Yana at ngumuyngoy.
Naisip ni Honorio, siguro nga ay hindi sinasadya ni Yana na naiwang bukas ang pinto. Baka sa pagmamadali ay hindi napindot ang lock ng door knob. Sabagay siya man ay ganundin—nalilimutan din niyang pindutin ang lock kung minsan.
“Hindi na po talaga mauulit Kuya,’’ sabi uli ni Yana.
“Sige, hindi ko isusumbong kay Bianca ang nangyari…”
Biglang kumislap ang mga mata ni Yana.
“Totoo po Kuya? Salamat po!”
“Pero may hihilingin ako sa’yo, kapalit nang hindi ko pagsusumbong kay Ate Bianca mo.’’
“Ano po yun, Kuya?’’ tanong na nagugulumihanan ni Yana.
(Itutuloy)
- Latest