Kailan ipaaalam sa probationary employee na hindi siya mare-regular?
Dear Attorney,
Kailan ba dapat i-evaluate ang isang probationary employee? Malapit na kasing matapos ang probationary period ko at wala pa akong natatanggap na notice kung mare-regular ba ako o hindi. — Jon
Dear Jon,
Kung ikaw naman ay ire-regularize ng kasalukuyan mong employer, hindi ka na naman kailangang padalhan ng kahit ano pang notice ukol sa pagiging regular mo. Basta’t hinayaan ka ng iyong employer na pumasok at magtrabaho isang araw matapos mapaso ang iyong probationary period, ipapagpalagay ka na ng batas bilang isang regular employee.
Kung sakali namang hindi ka pala pumasa sa standards na itinakda at ipinaliwanag sa iyo noong ikaw ay na-hire ay kailangang maipaalam sa iyo ito bago matapos ang iyong probationary period.
Ayon sa Implementing Rules ng Labor Code, kailangang padalhan ng written notice ang isang probationary employee kung hindi siya pumasa sa evaluation.
Walang partikular na sinasabi ang Implementing Rules ng Labor Code kung kailan dapat ibigay ang notice sa probationary employee. Kailangan lang na maibigay ito sa kanya ng “within a reasonable time from the effective date of termination.” Ibig sabihin, kailangang mabigyan ng written notice ang probationary employee ukol sa hindi niya pagpasa sa evaluation sa loob ng madaling panahon bago siya tuluyang matanggal sa trabaho.
Mahalagang sundin ang tamang pagbibigay ng notice sa mga empleyado lalo na kung ito ay patungkol sa status ng kanilang employment. Maari kasing maharap ang employer sa isang labor complaint at pagbayarin ng danyos kung matuklasan na hindi sila sumunod sa tamang proseso at nilabag nila ang karapatan ng empleyado sa tinatawag na “due process”, kahit pa mapatunayan nilang may sapat naman silang dahilan para tanggalin ito.
- Latest