Babae sa Brazil, na-in love sa snatcher na nanghablot ng kanyang cell phone!
Isang babae sa Brazil ang nag-viral ang kakaiba niyang love story matapos nitong ikuwento na natangay ng isang snatcher ang kanyang puso matapos nitong nakawin ang kanyang cell phone!
Sa isang Twitter post na may mahigit 38,000 views, ikinuwento ng dalagang si Emanuela na dalawang taon na niyang boyfriend ang nang-snatch ng kanyang cell phone.
Dalawang taon ang nakaraan, mag-isang naglalakad si Emanuela sa isang kalye sa Rio de Janeiro. Hawak niya ang kanyang cell phone noon nang biglang agawin ito sa kanya ng isang lalaki.
Kuwento ng hindi pinangalanang boyfriend, matapos niyang hablutin ang cell phone, nagdalawang isip siya sa kanyang nagawang krimen nang makita niya ang litrato ni Emanuela sa wallpaper ng cell phone.
Ayon sa boyfriend, matapos niyang matitigan ang litrato, sobra siyang namangha sa kagandahan nito kaya nagpasya siyang tawagan ang kanyang biktima upang makipagkita rito at isauli ang ninakaw niyang cell phone. Dagdag ni Emanuela, ang pagkikita nila upang isauli sa kanya ang cell phone ay kinokonsidera niya bilang kanilang “first date”.
Umani ng samu’t saring reaksyon ang naturang Twitter post na kasalukuyang may mahigit 2,000 likes. Ayon sa comments ng ilang Brazilian netizens, sa Brazil lang tanging makakakita ng ganitong klaseng love story.
- Latest