^

Punto Mo

Isla Paraiso (62)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

“PERO naiisip ko, Alexis, sa ginawa nating ito kina Big Boy baka gumanti ang mga kasamahan nila. O baka itatakas nila si Big Boy habang nasa cage,’’ sabi ni Lolo Kandoy habang nakatingin sa kinakukulungan nina Big Boy.

“Naiisip ko rin yan, Lolo Kandoy. Hindi natin alam kung gaano kalakas ang puwersa nila. Baka mayroon pa silang tinatago. Baka marami silang baril at mas maraming tauhan.’’

“Alam ko ang nasasaisip mo Alexis. Kailangan din natin ng baril para maipagtanggol ang sarili.’’

“Tama ka Lolo Kandoy. Kung may baril tayo, hindi sila basta-basta makakalapit dito.’’

“Puwede namang hindi baril ang ipanlaban natin sa kanila.’’

“Ano pong ibig mong sabihin?’’

“Sa halip na baril, tirador ang gamitin natin. Pero kakaibang tirador ito sapagkat ang bala ay hindi bato kundi bunga ng bayabas. Yung mga bayabas ay ibababad natin sa dinurog na siling labuyo. Pagtinamaan sa mata ang kalaban hindi na sila makakakita sa hapdi.’’

Napamaang si Alexis sa sinabi ng matanda.. Humahanga na naman siya. Paano naisip ng matanda ang ganitong uri ng pakikipaglaban. Ibang klaseng pakikihamok na hindi na kaila­ngan ang baril at pulbura.

“Maaaring malagay sa pa­nganib ang buhay natin, Alexis dahil nga matataas na kalibre ang gamit nila, pero maaari natin silang malansi at hindi tayo mapapahamak. Patitibayin natin ang depensa. Gagawa tayo ng kublihan na hindi nila mapapansin. Nasa harap na nila tayo e hindi pa tayo nakikita.’’

“Paano yun Lolo?’’

“Gagayahin natin ang kulay ng ahas na tulog. Ang ahas na tulog kapag napasama sa mga tuyong dahon na laglag sa lupa, hindi siya makikita. Parang chameleon na kapag dumikit sa mga berde at madahon na puno ay hindi makikita ng kalaban.’’

“Paano po ang gagawin mo Lolo?’’

“Tuyong dahon ng saging lang ang katapat ng mga kalaban. Kapag ang tuyong dahon ng saging ay isinama mo sa lupa at iba pang tuyong dahon, hindi na makikita. Madali lang gumawa niyon. Kaunting tahi lang at solb ang problema.’’

Humanga na naman si Alexis sa matanda. Ibang klase ang nalalaman nito.

‘‘Bukas magpapakuha na ako ng mga tuyong dahon ng saging,” sabi ni Lolo Kandoy.

SAMANTALA, sa Maynila, ng mga sandaling iyon ay nagulat si Marikit nang mabasa ang ginawang artikulo sa isang sikat na diyaryo.

Ang artikulo niya ay tung­kol sa ginagawang pagtutol ng mga residente sa balak na pagmimina. Tutol ang mga residente ng Isla Paraiso sa pagpasok ng mining company sapagkat sisirain nito ang isla. Nakasaad sa artikulo na matagal nang nakikipaglaban ang taga-Isla para huwag itong masira pero tila hindi napapansin ng pamahalaan.

Tuwang-tuwa si Marikit sa pagkakalathala ng artikulo sapagkat maaaring mapukaw ang atensiyon ng Presidente ng bansa. Alam ni Marikit na tutol ang Presidente sa pagmimina. Ayaw nitong masira ang mga likas na yaman. Ibinigay na halimbawa ni Marikit ay ang nangyari sa Marinduque na nasira ang kapaligiran at namatay ang isang ilog dahil sa latak ng mina. Marami rin ang nagkasakit sa balat dahil sa tailings ng mina.

Nag-iisip si Marikit sa isusunod niyang artikulo ukol sa illegal mining. Kailangang mapukaw niya ang atensiyon ng pamahalaan para ipatigil ang pagmimina sa Isla Paraiso.(Itutuloy)

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with