P340K sigarilyo mula Indonesia nasabat sa Zamboanga Sibugay
COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng pulisya ang P340,000 na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Lower Baluran sa bayan ng Imelda sa Zamboanga Sibugay nitong madaling araw ng Biyernes, April 26, 2024.
Sa ulat ng Imelda Municipal Police Station at ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office, sa tulong ng mga impormante natagpuan ng kanilang magkasanib na mga operatiba ang 20 kahon ng mga sigarilyong Canon, Astro at Berlin na mula sa Indonesia sa isang bakanteng lote sa Purok Bougainvillea sa Barangay Lower Baluran.
Nakatakda na sanang ihahatid ng mga hinihinalang smugglers ang naturang mga imported na sigarilyo sa kanilang mga contacts sa bayan ng Imelda nang masabat ng awtoridad.
Mabilis na nakatakas ang dalawang lalaking nagbabantay ng naturang kontrabando, habang naghihintay ng sasakyang kanilang gagamitin sana sa paghatid nito sa mga bibili sa ilang mga lugar sa bayan ng Imelda.
Nakatakda ng ipakustodiya ng Zamboanga Sibugay PPO ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Bureau of Customs.
- Latest