24 bagong prosecutor tutulong upang makamit ng DOJ ang zero-backlog policy
MANILA, Philippines — Tiwala si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na makatutulong ang 24 na bagong talagang prosecutors ng bansa upang makamit ang target nilang pagkakaroon ng zero-backlog policy.
Nabatid na ang mga naturang newly appointed prosecutors ay pormal nang pinanumpa sa tungkulin ni DOJ Undersecretary Fredderick A. Vida, na siyang Usec-in-Charge for Financial, Administration and Personnel Cluster, kamakalawa.
Ayon kay Remulla, ang pagkakatalaga sa mga naturang prosecutors ay makapagpapagaan rin sa ‘heavy workload’ ng National Prosecution Service (NPS).
Nabatid na ang mga naturang bagong prosecutors ay itatalaga sa iba’t ibang prosecution offices sa buong bansa.
Anim sa kanila ang itatalaga sa Office of the Secretary of Justice Prosecution Service (OSJPS) habang ang iba pa ay ide-deploy naman sa provincial/city prosecution offices sa Ilocos Sur, Bulacan, Malolos, Cabanatuan City, at iba pa.
Sa kanyang inspirational message, pinaalalahanan naman ni Vida ang mga bagong prosecutors na, “With great power, comes great responsibility.”
Payo naman sa kanila ni Remulla, “Embrace your respective roles. You will be among those who will light up this Department.”
- Latest