MinDA chief sinibak sa pwesto ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Sinibak sa pwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Maria Belen Acosta.
Sa inilabas na kautusan na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad dito na nawala na ang trust and confidence ng pangulo kay Acosta.
Base sa dalawang pahinang liham, sinabi ni Bersamin na naging epektibo na ang pag-upo sa puwesto ni Secretary Leo Tereso Magno noong Mayo 21 nang manumpa sa tungkulin at ilabas ang appointment paper noong Mayo 13.
Sinabi naman ni Acosta na hindi pa opisyal na nabakante ang posisyon ng MinDA chief at walang basehan ang pagkaka-terminate sa kanya dahil fix term na anim na taon ang kanyang appointment paper na nilagdaan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay pa sa argumento ni Acosta, hindi kailanman nabakante ang MinDA chairmanship dahil hindi naman siya tinanggal sa puwesto at wala namang isinampang anumang kasong administratibo o kriminal laban sa kanya.
Subalit, ipinaliwanag ni Bersamin sa kanyang liham na ang chairmanship position sa MinDA ay ‘confidential and policy determining’ kaya’t ‘valid’ ang pagkaka-sisante kay Acosta matapos aniyang mawalan ng kumpiyansa at tiwala sa kanya si Pangulong Marcos.
- Latest