Obrero, dedo sa resbak ng lalaking ginulpi
MANILA, Philippines — Isang obrero ang nasawi matapos resbakan at pagsasaksakin ng isang lalaki na una umano niyang ginulpi noong nakaraang buwan dahil sa pagkakasangkot sa kasong pagnanakaw sa Tondo, Manila.
Binawian ng buhay noon din ang biktimang si Jester Mullet, 24, construction worker, residente ng Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakatakas at tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na si Alexander Banzuelo, nasa hustong gulang, at residente rin ng naturang lugar.
Sa naantalang ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-5:54 ng hapon noong Mayo 19 nang maganap ang krimen sa Building 24 ng Permanent Housing, sa Balut, Tondo.
Lumilitaw na bago ang krimen ay kasalukuyan umanong naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lang sumulpot ang suspek at mula sa likuran ay ilang ulit siyang pinagsasaksak bago mabilis na tumakas.
- Latest