Parusang ‘kamatayan’ vs magtatapon ng basura sa Abra, ikinaalarma ng CHR
MANILA, Philippines — Labis na ikinaalarma ng Commission on Human Rights (CHR) ang kontrobersyal na ipinasang ordinansa ng mga barangay officials sa Bangued, Abra na nagpapataw ng parusang kamatayan sa ikatlong paglabag sa mahuhuling residente na ilegal na nagtapon ng basura.
Sa isang press statement nitong Sabado, sinabi ng CHR na ang nasabing ordinansa ay walang paggalang sa karapatang pantao at karapatang mabuhay.
“While we recognize the important of proper waste management and ordinances that will improve residents disposal practices within their communities such cruel directives and offenses does not address the problem instead it only perpetuates confusion, perplexity and distress among constituents,” ayon sa CHR.
Ang pahayag ay inisyu ng CHR mahigit isang linggo matapos na si Brgy. Calaba Chairman Renato Brasuela, apat na konsehal ng barangay at chairperson ng Sangguniang Kabataan sa Bangued ay masuspinde matapos na lumikha ng ordinansa na nagpapataw ng parusang kamatayan laban sa sinumang mahuhuling nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar.
Kabilang pa sa mga sangkot sa mapang-abuso, walang paggalang sa karapatang pantao at karapatang mabuhay ay sina Brgy. Councilors Marjun Santiago, Rosemel Viado, Marlbour Valera, Carmelita Venus at SK Chairperson Darryl Blanes.
Nabatid na ang nasabing ordinansa ay pinagtibay sa Brgy. Calaba noong nakalipas na Pebrero ng taong ito. Dito’y pinagmumulta ng P1,000 ang sinumang mahuhuli sa paglabag sa unang pagkakataon, P1,000 multa sa ikalawang paglabag at babarilin (death penalty) sa third offense.
Matapos ang resolusyon ng Sangguniang Bayan, sinang-ayunan ni Bangued Mayor Mila Valera ang pagpapataw ng 90-araw na suspension sa mga nasabing mga opisyal ng barangay.
Sa kabila nito, nakakuha naman temporary restraining order (TRO) sa korte ang limang brgy. officials matapos namang makitaan ng merito ang kanilang petisyon na pumipigil sa kanilang suspensyon.
- Latest