Pinas maging tourism powerhouse sa Asya
Wish ni Marcos…
MANILA, Philippines — Pangarap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging tourism powerhouse ang Pilipinas sa buong Asya.
Ito ang inihayag ng Pangulo matapos pangunahan ang inagurasyon ng Pagudpud Tourist Rest Area (TRA) sa Saud beach sa Pagudpud, Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Sinabi ni Pangulong Marcos na matindi ang kumpetisyon ngayon sa turismo at hindi maitatanggi na maganda rin ang performance ng mga katabing bansa ng Pilipinas pagdating sa turismo tulad ng Thailand, Korea, Vietnam at Indonesia.
Iginiit ng pangulo na sadyang maganda ang Pilipinas subalit kailangan lang ayusin ang ilang bahagi ng turismo dito at dapat din isaalang-alang hindi lang ang magandang tanawin, magandang hotel at magandang resort para mahikayat pa ang mga turista kundi dapat ay maganda at mabilis din ang serbisyo at maging ang access sa mga tourist destinations.
Dahil dito kaya isinusulong ni Pangulong Marcos ang pagpapahusay sa mga regional airports para diretso na ang mga turista sa napili nilang destinasyon na hindi na dadaan pa sa Metro Manila.
Inihalimbawa pa niya ang pagkakaroon ng direktang flights sa Cebu, Bohol, Cagayan de Oro, Tacloban at iba pang pinagmamalaki ng bansa bilang tourist destinations.
Ayon sa Pangulo, hindi lang dapat ang mga Filipino ang magsabi ng “We Love the Philippines” kundi maging ang mga dayuhan.
- Latest