Mga pulis na nag-ooperate ng kolorum na sasakyan binalaan ng DILG
MANILA, Philippines — “May kalalagyan ang sinumang mahuhuling sangkot at nasa likod ng illegal operation lalo na kung miyembro ng PNP.”
Ito ang naging babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., sa mga miyembro ng kapulisan at maging ang mga retiradong pulis na nag-o-operate ng mga kolorum na sasakyan.
Una nang nagkaroon ng kasunduan ang DILG, Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huhulihin ang naglipanang kolorum na sasakyan.
Sa panig naman ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, alam na aniya ng kaniyang mga kasamahan ang magiging kapalaran sakaling mapatunayang sangkot sila sa mga ilegal na aktibidad.
May PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na magmomonitor sa mga sangkot na pulis.
Pero sa ngayon, wala pa namang rekord ang PNP kaugnay sa mga tauhan nitong lumabag sa ilegal na operasyon ng mga kolorum na sasakyan.
Sa pahayag ng mga tsuper at operator na nasa 35% ang nawawala sa kanilang kita dahil sa mga kolorum.
Sa kabilang banda, mayroon na lamang hanggang Abril 30 ang mga PUV operator para i-consolidate ang kanilang mga prangkisa.
- Latest