Ex-Marine patay sa kapitbahay
MANILA, Philippines — Isang retiradong Marines officer ang nasawi nang siya ay saksakin sa likod ng kanyang kapit-bahay na kanyang nakaaway, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Ric Dingle, 65, residente ng Area 1, Sitio Veterans Brgy., Bagong Silangan, Quezon City, habang nakatakas naman ang suspek na si Carlos Julaton, 47 ng No. 364 Eagle St., Sitio Veterans ng nasabing barangay.
Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang insidente ay naganap, alas- 11:40 ng gabi sa basketball court ng Eagle St., Area 2, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City
Ayon sa saksing si Orlando Amoring, Sr., papauwi na siya nang makita niya ang biktima at suspek na nagtatalo nang bigla na lamang sinuntok ng una ang huli.
Inawat niya ito at sinamahan sa paradahan ng kanyang motor na lingid sa kaalaman ay sinundan sila ng suspek at inundayan ng saksak sa likod si Dingle na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest