300,000 PUVs lalahok sa 3 araw na tigil-pasada
Sa araw ng SONA ni Marcos…
MANILA, Philippines — Inaasahang aabot sa hanggang 300,000 public utility vehicles (PUVs) ang lalahok sa idaraos na 3 araw na tigil-pasada sa siyam na rehiyon sa bansa kabilang ang Metro Manila.
Ito ang sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na ang tigil-pasada na idaraos ay simula sa Hulyo 24, na siyang petsa nang pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., at magtatagal hanggang Hulyo 26.
Sa pagtaya ni Valbuena, nasa 200,000 PUVs ang lalahok dito at maaari aniyang madagdagan pa ito at umabot ng hanggang 300,000.
“Nationwide po ito. Hindi po bababa ng 200,000 na public utility vehicles at baka madagdagan pa po. Ang expected po namin hanggang 300,000,” wika ni Valbuena.
Una nang sinabi ng grupo na ang tigil-pasada ay isasagawa nila bunsod ng kawalan ng urgency ng pamahalaan na aksiyunan ang kanilang mga hinaing sa isinusulong nitong PUV modernization program.
Ayon pa kay Valbuena na hindi pinapansin ng gobyerno ang kanilang grupo na kung saan ay maraming beses na silang humingi ng diyalogo upang pag-usapan ang kontrobersiyal na Omnibus Franchising guidelines.
Hinala ni Valbuena na binibigyan ng Department of Transportation ang malalaking kumpanya at local government units na mabigyan ng ruta.
“Alam po namin hindi po madali ang magdeklara ng transport strike. Ultimo kaming mga drivers and operators apektado din po ang aming kabuhayan,” dagdag pa ni Valbuena.
“’Yun nga lamang hindi po tayo pinapakinggan. Puro usap lang wala naman pong aksiyon kaya po namin ito isasagawa ulit.”
- Latest