Duterte pinaimbestigahan ang illegal mining sa Cagayan
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Enrivonment Secretary Roy Cimatu na imbestigahan ang umano’y illegal mining na dahilan ng malawakang landslides at pagbaha sa kasagsagan ng bagyong Ulysses sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.
“Kapag maraming butas, maraming tubig na pumapasok sa loob ng lupa. That’s why, kapag ano... landslide. It loosens the soil. So kaya ang mining, maraming butas, yan ang i-control mo,” utos pa ng Pangulo kay Cimatu.
Inatasan din ni Duterte si Cimatu na mag-imbentaryo para makita kung maraming butas ang lupa kung saan dito pumapasok ang maraming tubig dahilan para lumambot.
Ayon naman kay Cimatu, base sa kanyang natanggap na ulat may 10 indibidwal ang nasawi dahil sa landslides sa kasagsagan ng bagyo, kaya iprinisinta din niya ang hazard map.
Sa hazard map nakikita umano ang mga lugar kung saan hazard prone para sa landslide at kung saan nangyari ang mga pagbaha.
Paliwanag naman ng kalihim, walang permit na ibinigay para magmina sa nasabing lugar maliban na lamang sa small scale mining kaya maituturing itong illegal.
Sinabi pa ni Duterte, na illegal mining ang dahilan kung saan karamihan ay nasawi kaya dapat sampahan ng kaso at maglabas ng cease and desist order para sa mga taong nasa likod nito.
- Latest