9 patay sa aksidente sa Davao City
MANILA, Philippines — Isang trailer truck wing van ang nawalan umano ng preno at sinuyod ang 10 sasakyan na ikinasawi ng 9 katao na naganap kahapon ng umaga sa Guadalupe Km5, Matina Pangi, Davao City.
Kinilala ang driver ng trailer truck wing van (LXB-302) na si Joel Sinampay Aras, 36, ng Cagayan De Oro City.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng Davao City-PNP Traffic Section bago nangyari ang aksidente dakong alas-9:30 ng umaga ay mabilis na minamaneho ni Aras ang kanyang trailer truck wing van na may kargang mga sako ng bigas ang kahabaan ng CP Garcia Highway nang mawalan ito ng preno at inararo ang 10 sasakyan na kinabibilangan ng Toyota High Ace Van (BCN-661); KIA Sportage (KEP-343); Honda CRV (LGE-978); Mitsubishi L300 (AAG 4913); tricycle (5013LV); Toyota Avanza (ZSE-506); Suzuki AVP (PPI-830); multicab (JFG-233); at dalawang iba pa na sasakyan na kung saan nasalpok ang 9 katao kabilang ang mag-ina na nag-aabang sa bangketa.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng siyam na nasawi na kinabibilangan ng 6 na lalaki, 2 babae, at 2-anyos na natabunan ng mga sako ng bigas mula sa trailer truck wing van.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, serious physical injuries and damage to property.
- Latest