VP Leni sinibak sa gabinete
MANILA, Philippines – Sinibak bilang Kalihim ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) si Vice President Leni Robredo na magkakabisa ngayong araw.
Ito ang ginawang pahayag kahapon ni Robredo matapos na siya ay makatanggap ng text message noong Sabado mula kay Cabinet Secretary Jun Evasco Jr.
Ayon sa text message na natanggap ni Robredo mula kay Evasco na hindi na siya pinapadalo sa lahat ng Cabinet meetings simula ngayong araw (Dis.5) sa Malacañang ni Pangulong Duterte.
Nabatid na ang utos na natanggap ni Evasco ay mula kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ni Special Assistant to the President Bong Go.
Si Robredo ay isa lang sa mga Gabinete ni Pangulong Duterte na tumutuligsa sa pagpayag ng huli na ipalibing sa Libingan ng mga Bayani ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Si Robredo, na nanalong bise presidente laban sa anak ng dating diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay tutol sa pagpapalibing sa dating pangulo sa LNMB.
Bukod sa pagtutol ni Robredo sa pagpayag ni Pangulong Duterte na ilibing sa LNMB si Marcos ay tutol din ito sa mga extra-judicial killings, muling pagbuhay ng death penalty, pagbaba sa edad ng criminal liability, at sexual attacks laban sa mga kababaihan.
Umaasa si Robredo na bagama’t magkaiba ang kanilang mga prinsipyo ay dapat itong isantabi dahil sila ay kapwa may mandato na pagsilbihan ang mamamayan. - Ricky Tulipat, Ellen Fernando, Rudy Andal
- Latest