Mga magulang namalengke... 4 mag-utol natupok sa sunog
MANILA, Philippines – Halos hindi na makilala ang apat na magkakapatid nang sila ay matusta matapos makulong sa nasusunog nilang bahay kahapon ng madaling araw sa Tacloban City, Leyte.
Ang magkakapatid na nasawi ay kinilalang sina Dan Jade, 16; Glenn Mark, 14; Glen Marie, 11 at Gwyneth Morales, 9.
Nabatid na mahimbing na natutulog ang magkakapatid sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Brgy. 78, Marasbaras, Tacloban City nang magsimula ang sunog dakong alas- 4:50 ng madaling araw.
Bago ang insidente ay pansamantalang iniwan ng kanilang mga magulang ang magkakapatid dahilan maaga ang mga itong nagtungo sa palengke para mamili ng mga paninda at iba pang mga kailangan para sa kanilang negosyong cafeteria sa lugar.
Mabilis nilamon ng apoy ang bahay ng pamilya Morales at nabigong makalabas ang magkakapatid na tuluyang magkakasamang nasawi sa insidente.
Naapula ang apoy dakong alas-5:20 ng umaga.
Malaki ang paniwala ng otoridad na ‘faulty electrical wiring’ ang dahilan ng sunog.
- Latest